Upang maabot natin ang ating Patutunguhan (ang Langit) at "hindi pumanaw na isang photocopy," ayon kay Carlo, dapat natin maging Compass o "Aguhon" ang Salita ng Diyos na madalas nating dapat na sinasangguni. Ngunit sa ganitong uri ng Layunin na napakatayog, kakailanganin ang hindi pangkaraniwang mga Paraan upang matamo ito: ang mga Sakramento at ang pagdarasal. Higit sa lahat, inilalagay ni Carlo sa gitna ng buhay niya ang Sakramento ng Eukaristiya na tinatawag niya na “ang aking superhighway papunta sa Langit”. Mula nang tinanggap niya ang kanyang Pinakaunang Komunyon sa edad na 7 taon, hindi siya kailanman lumiban sa pagdalo sa pang-araw-araw na pagdiriwang ng Banal na Misa at sa pagdarasal ng Banal na Rosaryo. Sinisikap niya lagi na maghandog ng pananampalataya sa Eukaristiya dahil naniniwala siya na sa pamamagitan ng paglapit kay Hesus, magiging banal tayo”. Madalas itinatanong ni Carlo sa sarili niya kung bakit napakahaba ng mga pila ng mga tao na nagtitiis sa loob ng maraming oras para lang makapanood ng rock concert o kaya naman ay pelikula, samantalang walang ganitong uri ng pila para kay Hesus sa Eukaristiya. Sa isip-isip niya, hindi natatanto ng mga tao kung ano ang nawawala sa kanila dahil kung hindi, magiging puno ang mga simbahan sa puntong hindi na makakapasok ang tao sa loob nito. Sa Banal na Sakramento - taimtim niyang inuulit - Si Hesus ay nabubuhay sa atin katulad noong siya ay nabubuhay sa panahon ng mga Apostol 2000 taon na ang nakararaan. Ang kaibahan lang, noong panahong 'yon, upang makita siya, kailangan ng tao na magpalipat-lipat lagi, samantalang tayo ay mapalad dahil kailangan lang natin na pumunta sa isang nalalapit na simbahan upang matagpuan siya. At binibigkas niya katulad ni Hesus, “Kahanggan lang natin ang Jerusalem”. Bilang isang ulirang katekista, kahanga-hanga ang kanyang kakayahan na humanap ng mga ibang paraan upang tulungan ang iba na patatagin ang kanilang pananampalataya. Dahil dito, iniwan niya sa atin, bilang pamana, ang kanyang mga eksibisyon na pinangungunahan ng mga Himala ng Eukaristiya. Taong 2002, habang bumibisita siya sa eksibisyon sa Pagpupulong sa Rimini, nagdesisyon si Carlo na maghanda ng eksibisyon tungkol sa mga Himala ng Eukaristiya na kinikilala ng Simbahan. Matindi ang trabahong kinailangan dito at maging ang pamilya niya ay naging katulong niya dito sa loob ng dalawa at kalahating taon. Ang malalim na espiritwal na epekto na dulot ng eksibisyon ay hindi inaasahan ng sinuman sa bisperas ng eksibisyon. Ngayon, ang eksibisyon ay nakarating na sa lahat ng 5 Kontinente. Bukod dito, maraming mga kura paroko ang nagmungkahi na ipunin ang mga materyal sa isang katalogo na naglalaman ng paunang salita nina Kardinal Angelo Comastri, Archpriest ng Basilika ng Papa sa Vatican at Bikaryo Heneral ng Santo Papa sa Siyudad ng Vatican, at ng kagalang-galang na Monsenyor Raffaello Martinelli na noong panahong iyon ay Pinuno ng Tanggapan Pang-Katekismo ng Kongregasyon para sa Dokrina ng Pananampalataya. Mula sa oras na 'yon, masasabi natin na ang eksibisyon, ayon sa naging resultang nakamit nito, ay "gumagawa ng himala." Sa Estados Unidos lang, ito ay nakarating sa libu-libong mga parokya at sa mahigit na 100 Unibersidad. Itinaguyod din ito ng ilan sa mga Pagpupulong na Episcopal, kabilang na ang sa Pilipinas, Argentina, Vietman, atbp... Nakarating na rin ito sa Tsina at Indonesiya. Maging ang mga mahahalagang Basilika at Santuwaryo ay itinanghal din ang eksibisyon ni Carlo. Kabilang na dito ang Santuwaryo ng Guadalupe at ng Fatima.